Pahiwatig ng iba't ibang kabanata

Ang pahinang ito ay naglalaman ng mga pahiwatig ng mga iba't ibang kabanata ng El Filibusterismo.

Kabanata I:Sa Kubyerta

-Ang bapor Tabo’y larawan ng ating pamahalaan, ng ating bayan. Mahina ang pagtakbo at maraming balakid sa landas na ang ibig sabihi’y mahina ang pag-unlad. Marami pang dapat gawin upang sumulong ang bansa.

-Ang mga taong sakay ng bapor ay may dalawang kinalalagyan; ang kubyerta at ang ilalim nito. Ang pamahalaan ay nagpapalagay na may mataas at mababang uri ng tao.

-Si Simoun, ang mayamang mag-aalahas na siyang tagapayo ng kapitan heneral, ay walang iba kundi si Ibarra.

Kabanata II: Sa Ilalim ng Kubyerta

-Ang mga kabataan ay masigasig sa kanilang mga balak. Humahanap sila ng mga paraan upang maisakatuparan ang kanilang mga adhika. Lipos ng pag-asa ang mga kabataan.

-Mapupusok ang kanilang kalooban. Hayagang sinasagot nang makahulugan si Simoun gayung ang pagkakakilala nila’y malapit sa kapitan heneral.

- Ang pagpapari ni Pare Florentino dahil sa kagustuhan ng ina ay nagpapakita ng kapangyarihan ng mga magulang sa anak noong unang panahon. Anumang bagay na naisin ng magulang maging laban man sa kalooban ng anak ay nasusunod.

Kabanata III: Mga Alamat

-Ayon sa alamat, Si Donya Geronima ay tumanda dahil sa kahihintay sa kaniyang kasintahan. Ito’y nagpapahayag ng pagkamatapat ng babaing Pilipina.

-Maalamat ang ating bansa. Hindi lamang Pasig ang mayroon. Halos lahat ng bayan pati na ang pinagmulan ng mga bagay, halaman o tao.

Kabanata IV: Kabesang Tales

-Ang pagkakaagaw ng Korporasyon sa lupain ni Tales ay nagpapahiwatig ng mga kasamaang umiiral noong panahon ng Kastila.

-Ang paghahanda ni Kabesang Tales ng baril, gulok o palakol ay nagpapakitang handang ipakipaglaban ng mga Pilipino ang kanilang karapatan.

-May mga Pilipino ring nagpapahirap sa kapuwa Pilipino. Nariyan ang mga tulisang dumakip kay Kabesang Tales upang ito’y ipatubos.

Kabanata V: Ang Noche Buena ng Isang Kutsero

-Ang kaawaawang mga Pilipino’y tumatanggap ng mabigat na parusa sa kaunting pagkukulang. Malulupit ang maraming mga nasa tungkulin.

-Malaki ang pagnanais ni Kapitan Basiliong makasundo ang kura at alperes. Sila ang makapangyarihan sa bayan.

Kabanata VI: Si Basilio

-Ang pagpapaalila ni Basilio upang makapag-aral ay nagpapakita ng pagpapahalaga ni Rizal sa Karunungan. Maging ano mang uri ng gawain basta’t marangal ay kailangang pasukan upang makatapos ng pag-aaral. Kailangan ang pagtitiis, pagtitiyaga at pagsusumigasig upang matuto.

-Sa kabanatang ito’y napabulaanan ang kasabihang kung ano ang puno’y soyang bunga. Si Basilio ay may mga mabubuting katangiang kabaligtaran ng sa ama.

Kabanata VII: Si Simoun

-Ang lahat ng pag-uusap sa kabanatang ito’y mahalaga. Isinisiwalat dito ang buong diwa, kaisipan, damdamin at mga mithiin ng may akda para sa kaniyang bayan.

-Nalalarawan din dito ang dalawang pangkat ng mga Pilipino na humihingi ng pagbabago. Ang isa’y humihiling na maging bahagi ang Pilipinas ng Espanya at ang isa nama’y nagnanais humiwalay upang maging ganap na malaya.

Kabanata VIII: Maligayang Pasko

-Ang mga Pilipino ay mapaniwalain sa mga himala. Ang paghahanap ni Huli ng Salaping inaasahang ibibgay ng Birhen ay kaigsian ng pag-iisip. Ibig ipaunawa ni Rizal na nasa tao ang gawa at nasa Diyos ang awa.

-Ang pagkapipi ni Tandang Selo Ay nagpapahiwatig ng pagkaka-alis sa mga Pilipino ng kalayaang magpahayag ng kanilang nais sabihin.

Kabanata IX: Si Pilato

-Masalapi at makapangyarihan ang korporasyon. Walang Pilipinong maaaring lumaban dito noong panahong iyon.

-Si Pilato ang siyang naggawad ng hatol na si Hesus ay ipako sa krus. Siya’y naghugas ng kamay at sinabibg siya’y walang kasalanan.

Kabanata X: Kayamanan at Karalitaan

-Ang isinasama ng mga mamamayan ay nasa mga taong namamahala.

-Ang mga Pilipino’y handang magbuwis ng buhay alang-alang sa kanilang karapatan.

Kabanata XI: Los Banos

-Magkasamang nagpapasiya ang mga prayle at ang pamahalaan, karaniwang nananaig pa ang pasiya ng mga prayle.

-Magkaiba ang pamamalakad ng mga Dominiko at mga Heswita.

-Ang panunuyo sa mga may kapangyarihan ay kaugalian nating mga Pilipino.

Kabanata XII: Si Placido Penitente

-Ang di pantay-pantay na pagtingin ng guro sa mag-aaral ay hindi nararapat sapagkat ito’y nagiging dahilan ng pagkawala ng kawilihan ng mga mag-aaral at ng di-paggalang ng mga ito sa guro.

Kabanata XII: Ang Klase ng Pisika

-Ang mga mag-aaral noong panahong iyon ay hindi nasisiyahan sa pamamalakad at pamamaraan ng pagtuturo sa pamantasan. Sila’y naghain ng kahilingan upang magkaroon ng pagbabago.

-Ang malaking laboratoryo sa Pisika ay laging inihahanda sa mga panauhing darating at hindi sa pag-aaral. Isa ito sa sakit ng ating lipunan-ang pakitang tao.

Kabanata XIV: Sa Bahay ng mga Estudyante

-Si Sandoval ay larawan ng mga kastilang may malasakit sa ating bayan at pagpapahalaga sa mga Pilipino.

-Ang pagitang inilalagay ng pulitika sa mga lahi ay nawawala sa mga paaralan, na wari’y nalulusaw sa init ng kabataan at karunungan. Magandang halimbawa si Sandoval, isang Kastilang naging kasama’t kamag-aral nina Isagani at Makaraig.

Kabanata XV: Si Ginoong Pasta

-Upang mailapit at makahingi ng tulong sa isang taong makapangyarihan, kailangang hanapin muna ang kaibigan o kinaaalang-alangan nito; isang sakit ng lipunan na ngayon ay palasak.

-Maraming taong tumitigin sa pansariling kapakanan at winawalng bahala ang ikabubuti ng bayan.

Kabanata XVI: Ang mga Kapighatian ng Isang Insik

-Ang pagtanggap ng suhol ng mga nanunungkulan sa pamahalaan at ang pagsasamantala sa mga lumalapit sa kanila ay nakapagdaragdag ng paghihirap ng bayan. Ito ang pinakamalubhang sakit ng lipunan sa ngayon.

Kabanata XVII: Ang Perya sa Quiapo

-Masining ang mga Pilipino. At sa dahilang ang singing ay kinakikitaan ng damdamin at ng iniisip ng gumagawa nito, makikitang ang nalalarawan sa kanilang mga inukit ay ayon sa mga pangyayari noong panahong yaon.

Kabanata XVIII: Mga Kadayaan

-Ang mga bagay na nabanggit ng ulo ay tumutukoy sa pangyayaring nagaganap noong panahon ng Kastila.

-Ang pagkatakot at tuluyang pagkakahimatay ni Pari Salvi ay nagpapakilala ng pagtanggap ng mga prayle sa kanilang kasamaa’t pagkakasala.

Kabanata XIX: Ang Mitsa

-Ang di-mabuting pagtingin ng Kastila sa mga Pilipino ay siyang nagtataboy sa huli upang maghimagsik.

-Ang layunin ng maraming magulang sa pagpapaaral sa kanilang anak upang maipagmalaki at masabing sila’y magulang ng isang nakapag-aral at nagkatitulo.

Kabanata XX: Ang Nagpapalagay

-Mataas ang pagpapalagay ng mga Pilipino sa mga banyaga. Agad-agad tayong humahanga. Hindi na natin sinusuri ang kanilang mga tunay na pagkatao at kakayahan.

-May paniniwala si Rizal na ang tao’y pantay-pantay. Walang pagkakaiba ang puti at kayumanggi.

Kabanata XXI: Mga Ayos-Maynila

-Karaniwan sa maraming tao ang pagwawalang bahala sa kapakanan ng kapwa at ng bayan. Walang inaalagata ang marami kundi ang kagalingang pansarili.

Kabanata XXII: Ang Palabas

-Ang kaugaliang pagdating nang huli sa takdang oras at hindi taal na sa atin. Ginaya lamang natin ito sa mga Kastila.

-Ang mga Pilipino’y mahilig sa mga palabas na buhat sa ibang lupain. Maging ano mang bagay na gawa ng mga dayuhan ay tinatangkilik at hinahangaan natin.

Kabanata XXIII: Isang Bangkay

-Ang pagbabalik at balak ni Simoung agawin si Maria Clara sa kumbento ay nagpapatunay ng kawagasan ng pag-ibig nito; at ang pagkamatay ng dalaga ay nagpapahiwatig ng pananatili ng kapangyarihan ng relihiyon sa ating bansa.

Kabanata XXIV: Mga Pangarap

-Ang pag-unald na nakikinikinita ni Isagani ay siyang pangarap ng may-akda para sa kaniyang bayan.

-Ito’y hindi nanatiling pangarap. Ang lahat ay nagkaroon ng katuparan.

Kabanata XXV: Tawanan at Iyakan

Ang kapasiyahang ginawa ni Don Custodio tungkol sa akademya ay isang katunayang ang kabataan ay hindi binibigyang laya upang gumawa ng mga bagay na ikauunlad ng sarili at ng bayan.

-Makapangyarihan ang mga prayle dito sa ating bansa. Sa pamamagitan ng relihiyon, ng pananampalataya, ay nangyayaring mapasunod at masakop tayo ng lubusan.

Kabanata XXVI: Ang Paskin

-Ang mga makapangyarihan ay nakagagawa ng mga paraan upang masugpo ang anumang kilusang labag sa kanilang kapakanan.

-Anumang pagsulong ay hinahadlangan nila sapagkat malaki ang kanilang pagnanasang manatili sa Pilipinas.

Kabanata XXVII: Ang Prayle at ang Pilipino

-May mga paring marunong umunawa. Hindi lahat ay may masamang ugali at di-mabuting pagkilala sa mga Pilipino.

Kabanata XXVIII: Tatakut

-Higit na nakatatakot pagkaminsan ang mga bali-balita kaysa tunay na pangyayari. Kalimitan, pag-nagpasalin-salin, ito’y marami nang dagdag.

-Sa kabilang dako, may mga pangyayari namang aring pagtakpan kahit ng mga pahayagan.

Kabanata XXIX: Mga Huling Salita Ukol kay Kapitan Tiyago

-Ang huling habilin ay nabago na ayon sa nais ni Pare Irene.

-Lubos ang paniniwala ng mga tao noon sa mga himala; isa sa mga bagay na idiniin sa isipan ng mga mananampalataya.

Kabanata XXX: Si Huli

-Walang sukat napuntahan ang mga taong naghahanap ng katarungan. Ang lahat maging ang mga may tungkulin sa pamahalaan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng simbahan.

-Walang natitira sa mg kawawa kundi ang mamundok at manulisan.

-Makapangyarihan ang pag-ibig.

Kabanata XXXI: Ang Mataas na Kawani

-Ang pagtatanggol ng mataas na kawani kay Basilio ay isang pagpapatunay na may ilan ding Kastilang ,ay ugaling marangal.

-Palaging api ang mga walang lakas at mga dukha. Hanggang ngayon ay ito ang larawan ng katarungan sa ating bansa.

Kabanata XXXII: Mga Ibinunga ng mga Paskin

-Si Paulita’y larawan ng isang dalagang makabago. magkalayo ang daigdig nila ni Isagani. Hindi siya makapaghintay sa katuparan ng mga “pangarap” ng binata.

-Ang dalaga’y makasarili, ang binata’y makabayan.

Kabanata XXXIII: Ang Huling Matuwid

-Si Simoun at Basilio ay kapuwa uhaw sa paghihganti. Nais nilang maipaghiganti ang sariling kaapihan.

-Sa mga dukha at api nagsisimula ang paghihimagsik. Bihira ang nanggagaling sa mga maruruning at mayayaman. Ito’y pinatutunayan ng kasaysayan.

-Si Simoun ay may paniniwalang ang nilalayon ang nagbibigay katuwiran sa pamamaraan. Hindi baling masama ang pamamaraan, mabuti lamang ang layunin. Nalimutan niyang ito’y labag sa alituntunin ng kagandahang-asal.

Kabanata XXXIV: Ang Kasal

Ang kabanatang ito’y naglalarawan ng sakit ng ating lipunan:

-Sa pagpili ng ninong at ninang- Marami ang nagpapaanak sa mataas na tao kahit ito’y di lubhang kakilala. Ikinararangal nila iyon at ipinagmamalaki. Sa katotohanan ang mga ito ay hindi nakagaganap sa kanilang tungkulin bilang ninong pagkat nin hindi natatandaan ang inaanak.

-Ang paghahanda- sadyang pinagkakagastahan nang malaki ang kasalan, binyagan at ano mang pisata dito sa Pilipinas. Inuubos ng may handa ang kanilang makakaya. Ang iba’y kahit na mangutang.

Kabanata XXXV: Ang Pista

-Makahulugan ang tatlong salitang nakatitik sa papel na nagpalipat-lipat sa mga piling panauhin. Sinasabing “Bilang na, natimbang na, hati ang inyong kapangyarihan.” Nangangahulugang nabibilang na ang araw ng mga maykapangyarihan. Nalalapit na ang kanilang wakas, sapagkat natagpuang nagkulang at nakgkasala.

-Magnum Jovem- Dakilang Jupiter. Si Jupiter ay ang Diyos ng kalangitan, ayon sa relihiyong Romano.

Kabanata XXXVI: Mga Kagipitan ni Ben-Zayb

-Muling ipinakita ng may-akda ang walang katapatan sa pagbabalita noong panahong iyon.

Kabanata XXXVII: Ang Hiwaga

-Totoo ang kasabihang may pakpak ang balita at may tainga ang lupa. Walang lihim na hindi nahahayag.

Kabanata XXXVIII: Kasawinan

-Maraming mga kawal na Pilipinong mahigpit pa sa mga Kastila. Walang pakundangan sa kanilang mga kababayan.

Kabanata XXXIX: Katapusan

-Ang kayamanan ay malaking tukso sa buhay ng tao.

-Kailangang maging mabuti ang kaparaanan upang maging mabuti ang wakas.

-Binibigyang diin ang katotohanang kung walang kalayaan ay walang katarunga.

-Ang kalayaa’y maaaring makamit sa tulong ng pagpapataas ng uri ng katuwiran at ng karangalan ng tao.

-Nasa kabataan ang pag-asa ng bayan.

mula sa Mga Pahiwatig ng mga kabanata sa El Filibusterismo