Kabanata XXX
Si Huli
Buod
Nabalita sa San Diego ang pagkamatay ni Kapitan Tiyago at ang pagkadakip kay Basilio. Dinamdam ng bayan nang higit ang huli. Maari raw ipatapon o patayin ang binata. Enero rin daw nang bitayin ang tatlong martit sa Kabite. Mga pari na iyon, nabitay pa. Tiyak daw na bibitayin din si Basilio.
Nagkagayon daw si Basilio, ayon kay Hermana Penchang, dahil di nag-aagwa bendita sa Simbahan dahil narurumihan sa tubig. Hindi raw nakasasakit ang agwa bendita. Nakagagaling pa nga raw ito. May ilan pa ang nanisi rin sa binata.
Ngunit marami ang nagsasabing di dapat mangyari iyon kay Basilio.Tahimik ito. Naghihiganti raw lamang ang mga prayle dahil sa pagkakatubos ni Basilio kay Huli na anak ng tulisang si Tales.
Mabuti raw at pinaalis na niya si Huli, ani Hermana Penchang. Ayaw daw niyang magalit ang mga prayle sa kanya. Ang totoo’y di niya ibig ipatubos si Huli.
Si Hermana Bali ang nagbalita kay Huli ng tungkol kay Basilio. Hinimatay pa si Huli dala ng balita. Sa Pilipinas ay kailangan ang ninong sa ano mang pagkilos. Wala nang tagatangkilik si Basilio sa pagkamatay ni Kapitan Tiyago kaya’t tiyak na mabubulok sa bilangguan si Basilio o mabibitay wala mang kasalanan.
Naisip niyang tulungan si Basilio. At may kung anong nagbulong sa kanya na patulong kay Padre Camorra, ang nakapagpalaya kay Tandang Selo. Kung sabagay, nang pasalamatan niya ang kura ay di ito nasiyahan. Humingi ito ng “ pagpapasakit” pa. Mula noo’y iniwasan na ito ni Huli. Gayunman, may mga binatang binambo ni Padre Camorra nang mangharana ang mga iyon sa dalaga. May nangagsapantaha na ng di mabuti kay Huli ukol kay Padre Camorra.Pinarunggitan siya sa paglalakad niya.
Mula noo’y naging malungkutin si Huli. Minsa’y naitanong kay Hermana Bali kung nahuhulog sa impiyerno ang nagpapakamatay. Di natuloy ang balak niya. Natakot siya sa impiyerno.
Ipinayo ni Hermana Bali na magtanong sila sa tribunal. Kaunting pabagsak lang daw at papayuhan na sila nito. Ngunit ang tagasulat ay walang nagawa o naipayo kundi patunguhin ang dalawang babae sa hukom pamayapa. Sa wakas ay nagpayo ang hukom: “ Ang tanging makapagliligtas kay Basilio ay si Padre Camorra – kung iibigin niya”, sabay turo kay Huli.
Hindi kumibo si Huli. Inaakala ni Hermana Bali na tumpak ang payo. Ayaw ni Huli na magtuloy sila sa kumbento. Batid ni Hermana Bali ang dahilan. Si Padre Camorra
ay tinaguriang Si Kabayo – sadyang malikot sa babae.
Nakiusap si Huli na ang manang na lamang sana pumasakumbento. Wika ng hukom ay higit na mabisa ang pamanhik ng isang dalagang may mukhang sariwa kaysa mukha ng isang matanda. Nanaog ang dalawa. Nang nasa daan na’y ayaw na naman ni Huli. Ang pagpapakasakit na hinihingi ni Padre Camorra ay pinagbingihan ni Huli mangahulugan ng di kapatawaran ng sariling ama. Ngayon ba’y gagawin niya iyon dahil kay Basilio? Magiging isa siyang lusak. Maging si Basilio’y mandidiri sa kanya.
May ilang nagparunggit na di siya papatulan ng kura. Maraming dalaga sa bayan. Aanhin nito ang isang taganayon lamang. At babarilin si Basilio!
Binangungot si Huli nang gabing iyon. Dugo! Sindak! Mga putok. Nakita ang ama. Si Basilio’y naghihingalo.
Kinahapunan ng sumunod ng araw ay kumalat ang balitang may mga binaril na sa mga estudyante. Ipinasiya ni Huli na kinabukasan uli ay magsasadya na siya sa kumbento, mangyari na ang mangyari. Ngunit nang mag-uumaga na’y di rin siya nagtungo sa kumbento. Dumaan ang mga araw. Umasa si Huli sa isang himala. Gabi-gabi’y di siya pinatulog ng mga pangamba.
Sa wakas ay dumating ang balita mula sa Maynila na si Basilio na lamang ang nabibilanggo. Nakalaya ng lahat ang kasamahan. Ipatatapon na raw sa Carolinas si Basilio. Ito ang nag-udyok kay Huli na hanapin si Hermana Bali. Nagbihis ng pinakamahusay na damit.
Kinagabihan ay naging usap-usapan ang nangyari kay Huli nang hapong iyon. Tumalon sa bintana ng kumbento at patay na dinampot sa batong nakabunton sa ibaba. Si Hermana Bali ay patakbong bumaba sa pinto ng kumbento at nilibot ang daan at nagsisigaw at nagpupukpok sa pinto ng kumbento si Tandang Selo. Itinaboy ito ng palo at tulak.