Kabanata XXXVI

Mga Kapighatian ni Ben Zayb

Buod

Mula sa bahay ni Kapitan Tiyago ay patakbong tinungo ni Ben Zayb ang kanyang tanggapan upang sulatin ang pangyayari. Pinalabas niyang bayani ang Kapitan Heneral, sina Padre Irene, Don Custodio at Padre Salvi. Ang lathalain ay isa ring paghahangad ng mabuting pagyao at paglalakbay ng Heneral.

Ngunit ang kanyang isinulat ay ibinalik sa kanya ng patnugot ng pahayagan. Ipinagbawal ng Heneral ang pagbanggit ng ano mang ukol sa pangyayari.

Dumating ang balita mula sa Pasig. Nilusob dawn g maraming tulisan ang bahay-pahingahan ng mga prayle at nakatangay ng may dalawang libong piso. Malubha ang isang prayle at dalawang utusan. Gumalaw ang guni-guni ni Ben Zayb. Gagawin niyang bayani ang kura na sa pagtatangol ay nagkasira-sira ang isang silyang ginamit laban sa mga tulisan.

Nagtungo siya sa Pasig. Natagpuan niyang ang nasugatan ay si Padre Camorra. Doon siya pinapagtika sa kasalanang ginawa sa Tiyani. May isang maliit na sugat sa kamay at may pasa sa ulo. Tatlo ang mga magnanakaw na may taglay ng gulok. Limampung piso ang nanakaw. Ayon kay Ben Zayb ay hindi tama ang salaysay ni Padre Camorra. Kailangan daw gawing marami ang mga tulisan.

May nadakip sa mga tulisan. Sila raw ay inanyayahang sumama sa pangkat nina Matanglawin upang sumalakay sa kumbento at mga bahay ng mayayaman. Pangungunahan sila ng isang Kastila na mataas, kayumanggi, puti ang buhok at ang pasabi’y kumikilos sa utos ng Kapitan Heneral na kaibigan niyang matalik. Katulong pa raw nila ang mga artilyero. Wala raw dapat ikatakot. Ang hudyat daw ay isang malakas na putok. Walang putok. Inakala ng mga tulisan na sila ay nilinlang. Nagsiurong ang ilan Ang iba’y nagsibalik sa bundok. Balak nilang maghiganti sa Kastila na makalawa nang lumoko sa kanila. Ang tatlong tulisan ay nagpasiyang manloob.

Ayaw paniwalaan ang mga tulisan sa paglalarawang si Simoun ang puno nila. Nguni’t si Simoun ay di matagpuan sa bahay niya . Maraming bala at pulbura roon. Si Don Custodio ay naghanda ng habla laban kay Simoun. Mabilis na kumalat ang balita ukol sa mag-aalahas. Marami ang di makapaniwala.