Mga Nilalaman

Kabanata XXXIX

Katapusang Kabanata

Buod

Malungkot na tumugtog ng kanyang armonyum si Padre Florentino. Kaaalis ni Don Tiburcio de Espadana na nag-akalang siya ang Kastilang tinutukoy sa telegrama na darakpin daw sa gabing iyon. Inakalang siya’y natunton na ni Donya Victorina.

Ang telegrama ay pinabasa ng tenyente ng guwardiya sibil sa bayan kay Padre Florentino sa ngalan ng pagkakaibigan. Anang telegrama: “Espanyol escondido casa Padre Florentino cojera remitara vivo muerte”.

Ang totoo, si Simoun ang Kastilang tinutukoy sa telegrama. Sugatang dumating doon si Simoun may dalawang araw na. Di man lamang siya inusisa ay tinanggap siya ng pari. Hindi pa nakabalita ang pari ng nangyari sa Maynila. Inakala ng pari na dahil wala na ang Kapitan Heneral ay may nagtangkang maghiganti kay Simoun. Ang sugat niya’y buhat daw sa kawalang-ingat, ayon sa mag-aalahas. Nagkasiya ang pari sa mga palagay. At nakatulong ang hinala ng pari na si Simoun ay tumakas samga kawal na tumutugis nang tanggapin nito ang telegrama.

Si Simoun ay tumangging paggamot pa sa mediko sa kabesera. Pumayag siyang paalaga kay Dr. de Espadana lamang. Malubha ang mga sugat ni Simoun.

Tumigil sa pagtugtog si Padre Florentino. Iniisip ng pari ang kahulugan ng pakutyang ngiti ni Simoun nang mabatid nito ang tungkol sa telegrama at sa ikawalo ng gabi ang dating mga darakip. Naisip ni Padre Florentino na isang taong palalo si Simoun. Dati’y makapangyarihan, ngayo’y kahabag-habag. Nguni’t bakit sa kanya pinili ni Simoun na makituloy? At darakpin na lamang nang patay o buhay ay nakukuha pang ngumiti nang pakutya. Inisip ni Padre Florentino kung paano maililigtas ng isang paring Pilipino si Simoun gayong noong kapanahunan nito ay humamak sa kanyang pagkamahabang-uri ng pagkapari at pagka-indiyo.

Di pinansin ni Simoun ang pakisuyo ni Padre Florentino may dalawang buwan ang nakalilipas upang tulungang makalaya si Isagani sa piitan. Si Simoun ang gumawa ng mga kaparaanan upang mapadali ang pagaasawa ni Paulita kay Juanito na lubos na ipinagdamdam ni Isagani at ikinalalayo nito sa mga kapwa tao. Nilimot ni Padre Florentino ang lahat. Wala siyang inisip kundi ang pagliligtas kay Simoun. Nguni’t parang walang pagnanasang mailigtas ni Simoun ang sarili.

Pumasok si Padre Florentino sa silid ni Simoun. Wala nang mapangutyang anyo sa mukha ni Simoun. Waring isang lihim na sakit ang noon ay tinitiis ng mag-aalahas.

Napaghulo ng pari na uminom ng lason si Simoun. Nabaghan ang pari.

Tinangka ni Padre Forentino na ihanap ng lunas si Simoun. Pasigaw na sinabi ng mag-aalahas na huwag na silang mag-aksaya ng panahon dahil mamatay siyang dala niya ang kanyang lihim. Ang pari ay lumuhod sa kanyang reclinatorio (luhuran sa pagdarasal) at nanalangin sa paanan ng imahen ni Hesukristo at pagkatapos ay buong kabanalang kanyang inilapit ang isang silyon sa maysakit, at tumalagang makinig.

Ipinagtapat ni Simoun ang tunay niyang pangalan. Halos nasindak ang pari. Malungkot na ngumiti ang maysakit. Tinakpan ng pari ng panyo ang mukha at tumungo upang makinig. Isinalaysay ni Simoun ang kanyang buhay. Labintatlong taon siya sa Europa. Nagbalik siyang puno ng pangarap at pag-asa.Pinatawad ang mga nagkasala sa kanyang ama pabayaan lamang siyang mabuhay nang payapa. Ngunit mahiwagang mga kamay ang nagtulak sa kanya sa isang kaguluhang gawa-gawa at ang lahat ay nawala sa kanya.: pangalan, yaman, pag-ibig, kinabukasan, kalayaan at naligtas lamang siya sa kamatayan sa tulong ng isang kaibigan. Tinika niyang maghiganti. Nangibang bansa siya dala ang bahagi ng kayamanan ng kanyang magulang at siya’y nangangalakal. Nakilahok siya sa himagsikan sa Kuba. Nakilala niya roon ang kapitan heneral na noon ay kumandante pa lamang. Pinautang siya. Naging kaibigan matalik dahil sa kawalanghiyaan ng kapitan na si Simoun ang nakaalam. Sa tulong ng salapi ay nakuha niyang maging kapitan heneral ang kaibigan at naging sunud-sunuran sa kanya dahil sa katakawan sa salapi.Inupatan niya ang kapitan sa paggawa ng maraming kabuktutan.

Mahaba ang pagtatapat ni Simoun at gabi na nang matapos. Sandaling naghari ang katahimikan. Inihingi ng tawad ng pari ang mga pagkukulang ni Simoun at hiniling niya kay Simoun na igalang ang kalooban ng Diyos Mahinahong nagtanong si Simoun kung bakit hindi siya tinulungan ng Diyos sa kanyang layunin. Ang sagot ng pari ay dahil masama ang kanyang pamamaraan.Hindi maililigtas ng krimen at kasamaan ang mga dinumihan ng krimen at kasamaan.Ang poot ay walang nalilikha kundi mga panakot ; ang krimen ay mga salarin ang nalilikha. Pag-ibig lamang ang nakagagawa ng mga bagay na dakila. Ang katubusan ay kabutihan; ang kabutihan ay pagpapasakit, ang pagpapasakit ay pag-ibig.

Tinanggap ni Simoun ang lahat na sinabi ng pari. Inamin niyang siya ay nagkamali. ngunit naitanong niya ng dahil ba sa magkakamaling iyon ay ipagkait na ng Diyos ang kalayaan ng isang bayan at ililigtas ang napakaraming higit pang salarin kaysa sa kanya. Ang matatapat at mababait ay nararapat na magtiis nang ang mga adhika nila ay makilala at lumaganap.Ang nararapat na gawin ay magtiis at gumawa ang tugon ng pari.

Napailing si Simoun. Ang magtiis at gumawa ay madaling sabihin sa mga hindi pa nakaranas ng pagtitiis at paggawa. Anong klaseng Diyos ang humingi ng ganoon kalaking pagpapasakit. Sinabi ng pari ay ito raw ang isang Diyos na makatarungan.Diyos na nagpaparusa sa kakulangan natin ng pananalig at sa mga gawa nating masama.Pinabayaan natin ang kasamaan kaya’t katulong tayo sa paglikha nito. Ang kalayaan ay di natin dapat tuklasin sa tulong ng patalim. Tuklasin natin ito sa tulong ng nagpapataas ng uri ng katwiran at karangalan ng tao.. Gumawa tayo ng mabuti , tapat at marangal hanggang mamatay tayo dahil sa kalayaan.

Pinisil ni Simoun ang kamay ng pari. Naghari ang katahimikan. Dalawang pisil pa. Nagbuntunghininga si Simoun. Higit na mahabang katahimikan.

Nang mapunang hindi umiimik ang maysakit ay pabulong na nagwika si Padre Florentino; “Nasaan ang kabataang naglalaan ng magagandang sandali, ng kanilang mga pangarap at kasiglahan alang-alang sa ikabubuti ng kanilang bayan ? Saan naroon ang handang magpakamatay upang hugasan ng dugo ang napakaraming pagkakasala? Upang karapatdapat ang pagpapakasakit ito’y kailangang malinis at busilak. Nasaan ang kabataang may lakas na tumanan na sa aming mga ugat, ng kalinisan ng diwa na narumihan na sa amin, ng apoy ng sigla na patay na sa aming puso? O kabataan, kayo’y aming hinihintay!”

Nangilid ang luha sa mga mata ng pari. Binitawan ang kamay ni Simoun. Lumapit sa durungawan. May kumatok na utusang nagtanong kung magsisindi na ng ilawan. Sa tulong ng isang lampara ay tinanglawan si Simoun. Hinipo ito; nabatid na ito ay patay na.Lumuhod at nanalangin si Padre Florentino.

Tinawag ang mga utusan, pinaluhod at pinagdasal. Umalis sa silid si Padre Florentino Kinuha ang takbang bakal ni Simoun. Dinala ito sa talampas na laging inuupuan ni Isagani upang sisirin ng tingin ang kalaliman ng dagat. Doon ay inihagis ng pari ang mga takba ng brilyante at alahas ni Simoun. Nilulon ng dagat ang kayamanang yaon.