Mga Nilalaman

Kabanata XXII

Ang Palabas

Buod

Maingay sa dulaan. Lampas na sa oras ay di pa nagsisimula ang palabas dahil wala pa ang Kapitan Heneral. May nagsisipadyak ng baston at sumisigaw na buksan na ang tabing. Maraming pabastos na paghanga sa mga babae na maririnig sa mga artilyero. Maraming tsismisan. Mausok. Maraming pagtatalo. May isang matigas ang ulo sa isang luklukang di kanya at ayaw ibigay iyon sa may-aring si Don Primitivo. Hindi ito napakiusapan ng tagapamahala. Nagsigawan ang mga artilyero. Ibibigay o hindi na oo na hindi! Nalibang ang mga tao. Ang mga tanod ay di makapangahas magpaalis sa nasa upuan ni Don Primitivo dahil sa ito ay isang mataas na tao sa pamahalaan.

Dumating ang Heneral. Tumugtog ng marcha real. Si Pepay ay nasa isang palko na handog ni Makaraig. Katapat ito ng palko ng mga estudyante. Si Don Custodio ay tinipan ni Pepay sa dulaan kaya’t di man ibig ay napilitan ang tagapagmungkahi na pasadulaan.

Masaya si Pepay. Masaya rin ang mga estudyante pati si Pecson. Si Isagani lang ang hindi dahil nakita niya sa dulaan si Paulita na kasama ni Pelaez na kanyang karibal.

Isang Pransesa ang umawit, si Gertude. Isang awit na puno ng tsismis ng linggo ang kanyang ipinaririnig. Tigas na kasasalin ni Tadeo sa Kastila ng mga salitang Pranses. Gayon din ang ginawa ni Juanito Pelaez kina Paulita at Donya Victorina. Karaniwan naman ay mali si Juanito. Umawit si Serpolette. May pumalakpak sa una. Nakilala ito ni Tadeo. Padre Irene na pinapag-espiya ni Padre Salvi sa kung sadyang masama nga ang palabas ng mga Pranses ay namukhaan ng mananayaw. Kakilala pala siya ni Serpolette sa Europa pa.

Isang babae ang dumating na kasama ang asawa. Ipinamalaki ang pagdating niya nang huli sa lahat. Nang makitang may palko pang walang laman ay inaway ng ginang ang asawa. Sinutsutan siya ng mga tao. Wikang paismid: Ang mga ungas! Akala mo’y marurunong ng Pranses. (Tama naman.)

Si Juanito’y nagpapanggap na maalam ng Pranses na di naman nalalayo sa Español. Kapag nagtawa ang mga tao’y nakikitawa siya. Kapag nagsiungol o nagsiubo, napapailing siya. Humanga sa kanya si Donya Victorina at hinangad pakasalan ang binatang kuba pag namatay si De Espadaña.

Inubo nang masasal si Juanito. Sinigawan siya. Paalisin ang tisiko. Nais awayin ito ni Pelaez. Nakilalang si Don Custodio iyon. Natakot ang binata. Kundi lamang kasama ko kayo anya kina Paulita. Lalong humanga si Donya Victorina kay Pelaez.

Ayon kay Ben Zayb, na isa sa mga nagsiganap ay hindi artista, di marunong umawit.

Napag-usapan ang di pagsipot ni Simoun sa dulaan.

Pinagtalunan ng mga estudyante ang kagandahan at kapangitan ng wikang Pranses . Dumating si Makaraig mula kay Pepay. Malungkot. Nag-usisa ang lahat. Napasiyahan na raw ang tungkol sa paaralan ayon kay Padre Irene. Sinang-ayunan nag paaralan. Ngunit ito’y ipaiilalim sa Unibersidad ng Sto. Tomas, sa pamamahala ng mga Dominikano.

Kung gayo’y mga kabesa de baranggay tayo, ani Tadeo. Hinagisan ni Pecson ng maruming medyas si Sandoval.

At ang masakit ayon kay Makaraig ay ipinayo pa ni Padre Irene na ipagdiwang ng mga estudyante ang tagumpay nila.

Ani Pecson: Sigi, magdiwang tayo sa isang pansiteryang paglilingkuran ng mga Intsik na hubad! Pinagtibay ang balak. Hindi na hinintay ng mga estudyante ang ikalawang yugto ng opereta. Nagsialis sila sa gitna ng alingasngas ng buong bulwagan.

Mga Tulong sa Pag-aaral

1. Ang tinawag na Filipino time ay pag-aglahi sa ating ninuno. Ito’y hindi oras Pilipino. Nagaya lamang ito ng ilan sa ating totoong isip-alipin sa mga Kastilang namuno sa atin nang may tatlong daang taon. Ang manonood, makikita sa ano mang palabas, ay maagang nagsisidating. Tanging panauhing pandanmgal ang huling dumarating at ito ay ipamamata nang oras-Pilipino . Hindi tumpak na ang maling ginawi ng isa ay ipaari sa maraming hindi naman gumawa niyon. Ang tunay na oras-Pilipino ay makikita sa mga nayon. Bago pa sumikat ang araw at wala pang nakikita sa paligid ay nasa pilapil na ng bukid ang magsasaka, nakasulong na sa dagat ang mamamalakaya. Ibando mong may pasine sa liwasan sa ika-8 at ika-6 pa lamang ng gabi ay marami nang naghihintay na bata at matanda sa pagpapalabasan. Pag sinabing oras-Pilipino ito’y mga minuto o oras na una kaysa takdang tipanan.

2. Ang bisa ng pag-ibig. Si isagani na pinakamasipag at tagapagtaguyod ng paaralan ay di pumansin sa pagkakatuwa at pagtalakay ukol dito ng mga kasamahan dahil sa malaki niyang panibugho at galit kay Paulita. Ito ring damdaming ito ni Isagani ang sisira sa tagumpay na balak ni Simoun sa dakong huli.

3. Hindi magkasama sa palko sina Don Custodio at Pepay. Mahalay para sa Don ang makitang kasama ang mananayaw.

4. Sina Tadeo at Pelaez bilang manonood. Si Tadeo ay isang uri ng manonood na di dapat natatagpuan sa dulaan. Wala siyang nakikita o nais makita kundi ang kapintasan at kasiraan ng kanyang pinapanood. Si Juanito Pelaez naman ay halimbawa ng isang ungas na ginagamit ang kaunting kaalaman (sa Pranses) na lalong nagpapatingkad sa kanyang katangahan. At sina Paulita at Donya Victorina naman ay mga lalong tanga na nakipatol sa nagdudunung-dunungang si Tadeo. Sila’y parang mga bulag na napapaakay sa kapwa bulag.

5. Si Ben Zayb ay isang kritikong hangal. Walang kaalaman sa sining ngunit nagdudunung-dunungan. Siya’y mapanganib dahil marami siyang maihahawang hangal ding mambabasa sapagkat siya’y manunulat at manunudling (columnist).

6. Usapa ni Padre Irer at Serpolotte nang makita ng babae ang kura sa karamihang nagsilapit sa artista. Sinunggaban sa bisig si Padre Irene at:

S-Naku, lapit, lapit dito, aking kuneho (pet o alaga).
I-Huwag kang maingay (nagnasang lumayo).
S-Bakit? Ikaw na higante rito at akong sumasamba sa iyo.
I-Huwag kang maingay rito, Lily ako’y isang Papa rito.

Si Serpolette pala at si Padre Irene ay dati nang magkakilala sa Europa pa lamang. Si Padre Irene ay isang lalaking makamundo. Ayon sa isang palasaliksik na naging propesor ko, si Prof. Teodoro A. Agoncillo, si Padre Irene ay hinuwad ni Rizal sa isang hudyo na nagpapanggap na pari at nakapagturo pa sa UST. Nang may malaking halagang napailalim sa kanyang pag-iingat, siya na di naman talagang pari at kalaban pa nga sa pananalig (Hudyo) ay nawala. Sinasabing bumalik sa Europa at nagbuhay Don Juan doon.

7. Punahin ang wika ni Donya Victorina nang mapg-usapan ang mabait at salbaheng utusan sa pamaling pagsasalin ni Juanito: At akong naniniwalang sa Europa ang lahat ay mababait! (Isip-alipin talaga)