Mga Nilalaman

Kabanata XIX

Ang Mitsa

Buod

Lumabas sa klase si Placido Penitente. Hindi na siya ang dating mapagtimpi. Galit na galit siya. Nais niyang gumawa ng isang libo`t isang paghihiganti. Parang ibinubulong ng kanyang budhi: Placido Penitente, ipakilala mong ikaw ay may karangalan, na ikaw ay matapang at maginoo. Taga-Batangas ka na ang paglait ay hinuhugasan ng dugo.

Nakitang nagdaan ang isang sasakyang kinalulunanan nina Padre Sibyla at Don Custodio. Nais niyang habulin ang kura at ihagis sa ilog.

Napadaan sa Escolta. May naraanang dalawang Agustino sa pinto ng basar ni Quiroga. Ibig pag-uundayan ng suntok. Nagpigil. May naraanang dalawang kadete na nakikipag-usp sa isang kawani. Sinagasa niya ito. Tumabi ang mga kadete. Inaalihan ng hamok si Placido.

Inakala na ni Placidong wala na siyang pagkakataong mag-aral. Aniya sa sarili. Hindi raw kami marunong maghiganti. Dumating na sana ang lintik at nang makita nila.

Naratnan ni Placido sa bahay na kanyang tinutuluyan ang kanyang ina si Kabesang Andang. Kararating nito mula sa Batangas. Sinabi ni Placido na di na siya mag-aaral. Naghinagpis ang ina. Nakiusap sa anak. Nagpaalam si Placido sa ina. Ginala nito ang Sibakong, Tundo, San Nicolas, Sto. Kristo. Mainit pa ang ulo. Nguni`t nakaramdam ng gutom. Naisipang umuwi. Inakalang wala na sa bahay ina`t nagtungo na sa kapitbahay upang makipangginggi. Mali siya. Naroon pa ang ina. Naghihintay.

Ipinakiusap daw ni Kabesang Andang sa prokurador ng Agustino na iayos ang suliranin ni Placido sa nakagalit na Dominiko. Ayaw ni Placido. Tatalon daw muna siya sa ilog Pasig o magtutulisan bago mag-aral na muli. Nagsermon uli ang ina ukol sa pagtitiis. Di na kumain muna, muling umalis ang binata. Nagtungo sa daungan ng mga bapor. Inisip niyang magtungo sa Hongkong, magpayaman at kalabanin ang mga prayle.

Ginabi siya sa paggagala. Walang natagpuang kaibigan. Napatungo siya sa perya. Nakita niya si Simoun. Sinabi niya dito ang nangyari sa kanya at ang hangad niyang pasa- Hongkong. Napatulog siya sa mag-aalaha.

Isinama ni Simoun si Placido sa kanyang karuwahe. Pag-karaan ng pagtakbo ipinatigil ang sasakyan. Bumaba sina Simoun at Placido. Nakita nina Placido sina Isagani at Paulita na namamasyal. Nainggit si Placido. Kinainisan sina Simoun at Isagani. Anya: Sa ganyan lamang mapapakinabangan. Nagpatuloy ng paglalakad sina Simoun at Placido hanggang sapitin nila ang isang bahay na munti pagawaan ng mga pulbura na pinangangasiwaan ng dating guro sa San Diego. Inatasan si Simoun na pakipagkitaan ng guro ang tenyente at ang kabo ng mga militar, gayundin si Kabesang Tales. Nagtanong ang guro sa di pa nila kahandaan. Ani Simoun: sapat na sina Kabesang Tales, ang mga naging kabinero at isang rehinameyento ng mga kawal. Kung ipagpapaliban ay baka patay na si Maria Clara. Tumalima ang dating guro.

Dalawang oras na nag-usap sa bahay ni Simoun ang magaalahas at ang binata bago umuwi sa kaserahan si Placido.

Nang mapag-isa ang mag-aalahas ay nagtalo ang loob ni Simoun. Sinurot siya ng budhi dahil bahagi siya ng kabulukang nais niyang puksain. Waring nakita niya ang anyo ng kanyang ama at ng kay Elias na tumututol sa kanyang ginawa. Ngunit umiling siya. Kung ako`y tumulad sa inyo ay patay na ako, aniya. Gumawa ako ng masama upang mabigyang daan ang mabuti. Nilalagnat noon si simoun.

Kinabukasan ay buong bait na nakikinig si Placido sa nangangaral na ina. Hindi tumututol sa mungkahi nito. Ipinayo na lamang sa ina na bumalik na sa lalawigan kaagad dahil kung malaman daw ng prokurador na naroon si Kabesang Andang ay hihingian pa ito ng regalo at pamisa.

Mga Tulong sa Pag-aaral

1. Nakita ni Placido na kasama ni Padre Sibyla si Don Custodio, na magpapasiya ukol sa balak na paaralan ng kabataan.

2. Ang salita kayang Ingles na amok (huramentado) ay galing sa hamok ng Malay?

3. Si Kabesang Andangay halimbawa ng isang ignoranteng ina noong panahong iyon na kaya lamang nagpapaaral ng anak ay sa pagkakagaya-gaya o kaibigang mapagmalaki bilang ina ng isang nakapag-aral at nagkatitulo. Kung alam niya na ang ibubunga ng pag-aaral ni Placido ay bilangguan o bibitayan, na siyang tiyak na ibubunga ng masikhay at matining na pag-aaral noon ay papag-aralin pa kaya niya ito?

4. Ang paghihimagsik ni Simoun ay magsisimula sa mga arabal (kanugnog-pook ng Maynila o suburbs na noon ay mabugat pa tulad ng Balintawak, Sta Mesa. Makati, La Loma at atbp.) na binubuo ng :

A. Pangkat ng mamamayang naaaping ibig maghiganti;

B. Pangkat ng mga tulisang tulad ni Kabesang Tales ay naging gayon sa udyok ng paghanap ng katarungang di naging kanila sa pamahalaan;

K. Mga kawal na kanyang pinaniwalaang ibig ng Kapitang Heneral na manggulo sila sa mga sibil at sa mga prayle upang magkaroon ng dahilan ang heneral na magtagal pa sa Pilipinas;

D. Mga manong na pinaniwala niyang sasalakay sa kumbento ang mga kawal at sibil.

Dahil dito, ang mga sibil at mga manong ay makakalaban ng mga kawal na may mga pagkakautang kay Simoun at ang mga tulisan kakampi ni Simoun, at ang mga mamamayang sasapi sa kanya ay malayang makalulusob sa Maynila (Intramuros ngayon) at maluwag niyang makukuha ang siyudad na walang magtatanggol.